Mga nakumpiskang baril na ginamit sa Batocabe slay, isinailalim na sa ballistic exam

Pinag-aaralan na ng mga awtoridad ang lahat ng nakumpiskang armas na ginamit sa pagpatay kay AKO Bicol Representative Rodel Batocabe.

Partikular na isinasailalim sa ballistic examination ang nakuhang slider ng baril at mga bala para ikumpara sa mga ginamit sa pamamaslang.

Magugunitang nakita sa poso negro ang ilang bahagi ng baril na ginamit sa pagpatay umano kay Batocabe sa bahay ng isa sa mga suspek na si Emmanuel Rosello sa Barangay Sto.Niño, Bayan ng Pili sa naturang lalawigan.


Kabilang sa mga nakuha ayon kay CIDG o Criminal Investigation and Detection Group Region 5 Director Senior Superintendent Arnold Ardiente ay isang slider, stabilizer, barrel, bushing para sa kalibre 45 na baril.

Gayundin ang mga bala at dalawang magazine na itinago ni Rosello makaraang ibigay naman sa kanya ng isa sa mga gunman na si Rolando Arimando alyas RR.

Ang operasyon ay bahagi pa rin ng kanilang nagpapatuloy na operasyon makaraang mahuli na ang anim na mga suspek na inatasan umano ni Daraga Mayor Carlwyn Baldo.

Facebook Comments