Hindi na ibabalik ng kapulisan sa Bugallon ang mga nakukumpiskang ilegal na muffler lahit pa nagbayad na umano ng multa ang mahuhuling lalabag.
Ito ang iginiit ng Bugallon Police Station matapos sirain ang lahat ng mga nakumpiskang ipinagbabawal na modified mufflers sa bayan, kahapon, Disyembre 31.
Ayon sa pulisya, parte ito ng malawakang operasyon upang mabawasan ang noise pollution at mapalaganap ang kaligtasan ng publiko partikular ngayong holiday season, kung kailan naglipana ang paggamit nito bilang pampaingay.
Bahagi ang aktibidad ng mahigpit na pagpapatupad ng RA 4136 o Land Transportation and Traffic Code, na nagbabawal sa paggamit ng mga exhaust system na nagdudulot ng labis at nakakagambalang ingay.
Paglilinaw ng kapulisan, ang modified muffler ay tumutukoy sa anumang pagbabago, pagtanggal o pagpapalit sa orihinal na exhaust system ng sasakyan. Kasama rito ang mga open pipe, straight pipe, cut-outs o bypass systems at aftermarket exhaust na nagpapalakas ng ingay.
Dahil dito, nagbabala ang kapulisan sa lahat ng motorista na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng modified muffler. Sinumang mahuhuli ay papatawan ng multa at ang ilegal na muffler ay maaaring kumpiskahin at hindi na maibabalik. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










