Malabo nang maipagbili sa Kadiwa Stores ang milyun-milyong pisong halaga ng mga smuggled na puting sibuyas na nakumpiska ng Department of Agriculture at Bureau of Customs sa ilang warehouse sa Maynila kamakailan.
Paliwanag ni DA Deputy Spokesperson Rex Estoperez, labag sa panuntunan ang BOC ang pagbebenta ng mga smuggled na agricultural products.
Bukod dito, nabubulok na rin ang mga sibuyas na kanilang nakumpiska.
Dahil dito, target muna ng DA na mailabas ang natitira pang suplay ng sibuyas sa mga cold storage facilities habang paunti-unti na ring nag-aani ang mga magsasaka ngayong Disyembre.
Ayon naman sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), nasa 36,000 bags na lang ng pulang sibuyas ang naiwan sa mga cold storage facility.
Sabi ni SINAG President Rosendo So, nasa 3,500 metric tons pa ang kailangan para maging sapat ang suplay nito sa holiday season na maaaring mapunan sa pamamagitan ng importasyon.