Malapit nang maharap sa mabigat na parusa ang mga indibidwal na mahilig mambato sa mga sasakyan.
Ito’y matapos makapasa sa ikalawang pagbasa sa plenaryo ang House Bill 7838 kung saan ituturing nang criminal act ang pambabato sa sasakyan gamit ang anumang matitigas na bagay na makakasira, makakasakit at maaaring makapagdulot ng aksidente sa lansangan.
Maging ang mga taong mambabato ng mga bagay tulad ng itlog, dumi, pintura at iba pa na makaka-distract sa vision o paningin ng driver ay mahaharap din sa parehong mahigpit na parusa.
Maparurusahan ng isang taong pagkakakulong at multang ₱10,000 kung ang pambabato ay nagdulot ng pinsala sa sasakyan gayundin ay ipapasagot din sa suspek ang pinsala sa motor vehicle.
Limang taong pagkakabilanggo at multang ₱15,000 naman kung nagresulta ang pambabato sa physical injury kung saan ipasasagot din pati medical expenses at pagpapagamot sa biktima habang 25 taong pagkakabilanggo at multang ₱100,000 ang parusa kung nasawi ang biktima.
Tinukoy sa panukala na sa kasalukuyan ay magagaan lamang ang parusa na ipinapataw sa mga mahilig mambato ng sasakyan kaya naman ginagawa na itong hobby o past time ng mga madalas tambay sa kalsada.