Binigyan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng tatlong linggong transition o panahon ng maayos na turnover ang mga bago at papaalis na opisyales ng Barangay at Sangguniang Kabataan.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Interior Secretary Benhur Abalos na bagama’t itinatakda ng Korte Suprema na agad nang makakapagsimulang manungkulan ang mga nanalo sa eleksyon ay may mga nakikita ang DILG na mga posibleng problema, partikukar sa paggawa ng bank account, pipirma sa sweldo ng mga empleyado at sa mga bayarin sa kuryente at tubig.
Ani Abalos, pagkatapos maiproklama ay kinakailangang makakuha na ng secretary at treasurer ang papasok na punong barangay upang may magproseso sa mga monetary transaction.
Aniya, sa loob ng tatlong linggo ay dapat na nailipat na sa mga bagong mamumuno ang mga ari-arian at dokumento.
Sakali naman aniya na ayaw sumunod mga bagong opisyal, mayroon naman umanong transition team na tutulong sa pagpapabilis sa proseso ng turnover ng mga dokumento at ari-arian.