Mga nanalong kandidato sa Taguig, iprinoklama na

 

Iprinoklama na ng City Board Of Canvassers ng Taguig City ang mga nanalo sa local election.

 

Ito ay kahit hindi pa kumpleto o nabibilang  ang sampung SD cards mula sa sampung polling center sa lungsod.

 

Sinabi ni Atty. Edgar Feliciano Aringay, Chairman City Board Of Canvasser, napagkasunduan na ibaba ang threshold dahil ang botong natitira ay hindi na makakaapekto sa resulta ng election.


 

Hindi na kaya pang habulin ang kalamangan sa boto ng mga nangungunang local candidate.

 

Dahil dito, iprinoklama na ng City Board Of Canvassers ng Taguig City si Direk Lino Cayetano bilang nanalo sa pag ka alkalde ng lungsod matapos makakuha ng 170, 809 na boto. Pumangalawa sa kanya si Arnel Cerafica na nakakuha ng 108, 050 na boto. At pangatlo si Sonny Boy Andrade na may 1,326 na boto.

 

Sa pagka bise alkalde naman, nanguna si Ricardo Cruz Jr na nakakuha ng 156, 161 na boto. Kumpara sa nakalaban na si Jun Duenas na nakakuha lamang ng 104, 549.

 

Habang sa pagka-kongresista  ng ikalawang distrito ng Taguig, nanguna si Lani Cayetano nakakuha ng 111, 740 votes. Habang ang katunggali nito na si Che Che Gonzales  ay nakakuha lamang 41, 447 na boto.

 

Ipinaliwanag ni Atty. Aringay na hindi nila sakop ang proklamasyon sa 1st District kung saan si dating Foreign Affairs Secretary Allan Peter Cayetano ang nanguna, dahil mayroon daw itong sariling District Board of Canvassers.

Facebook Comments