Pormal nang iprinoklama ng National Board of Canvassers (NBOC) ang 55 na mga nanalong party-list groups.
Ito ay binubuo ng 63 na pwesto sa Kongreso kung saan ang ACT-CIS ang nakakuha ng maximum na 3 seats matapos makakuha ng mahigit 2-milyong boto
Tig-2 seats naman ang nakuha ng 1-RIDER PL, TINGOG, 4PS, AKO BICOL at SAGIP.
Unang naantala ang proklamasyon ng mga nanalong party-list groups dahil kinailangan munang hintayin ang resulta ng special elections sa 12 Barangays sa Tubaran, Lanao del Sur.
Bago naman nagsimula ang proklamasyon ay namudmod ng press release sa media si Ronald Cardema ng Duterte Youth.
Nakasaad dito ang kanilang pagtutol sa plano ni retired Commission on Elections (COMELEC) Commissioner Rowena Guanzon na magsubstitute bilang kinatawan ng P3PWD Party-list.
Ayon kay Cardema, nilalabag ni Guanzon ang sarili nitong panuntunan na siya mismo ang lumagda at nagpromulgate.
Magugunita kasing hindi pa retirado noon si Guanzon sa COMELEC nang magtapos ang deadline ng Poll body sa pagtanggap ng withdrawal at substitution sa mga kandidato at nominees.