Manila, Philippines – Bumuo na ang House Committee on Energy ng Technical Working Group na mag-aaral sa panukalang patawan ng mas mabigat na parusa ang mga nasa likod nang pandaraya sa mga produktong petrolyo.
Ayon kay Committee Chairman at Marinduque Rep. Lord Alan Velasco, ang Technical Working Group na pamumunuan nina Oriental Mindoro Rep. Rey Umali at 1-CARE PL Rep. Roman Uybarreta ang tatrabaho sa House Bill 27 na iniakda ni Umali.
Layon ng panukalang batas na amyendahan ang sections 3-a at 4 ng Presidential Decree no. 1865 na nagtatakda ng kaukulang parusa sa pandaraya sa langis gaya ng shortselling at adulteration ng finished petroleum products.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, pinapatawan lamang ng DOE ng multang mula 10 libong piso hanggang 50 libong piso o pagkakulong ng 2 hanggang 5 taon ang mga lumalabag dito.
Pero sa House Bill 27, itataas ang parusa sa multang 100 libong piso at suspensiyon o pagtanggal ng lisensya o permit ng kumpanya sa sinumang lalabag.
Para sa convicted violator, 300 libong piso ang multa at pagkakulong ng mula 3 hanggang 6 na taon.
Base sa pag-aaral, ang problema sa air pollution sa Metro Manila ay sanhi ng usok ng mga sasakyan na hindi lamang dahil sa mahinang maintenance ng makina kundi maging sa hindi magandang kalidad ng langis.