Mga nangyaring aberya sa paliparan ngayong 2023, pinatitiyak ng isang senador na hindi na mauulit sa pagdiriwang ng Bagong Taon

Pinatitiyak ni Senate Committee on Tourism Chairman Senator Nancy Binay na hindi na mauuulit sa pagdiriwang ng Bagong Taon ang nangyaring mga technical glitches at mga aberya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Matatandaan na noong January 1, 2023 (New Year) at May 1, 2023 (Labor Day) ay nakaranas ng power outages ang NAIA na nagparalisa sa biyahe ng mahigit 600 flights at nakaapekto sa libu-libong mga biyahero at Overseas Filipino Workers (OFW).

Ayon kay Binay, umaasa siya na may inilatag na sapat na hakbang ang Department of Transportation (DOTr) upang hindi na maulit ang kahalintulad na aberya sa operasyon at paglalakbay ng mga tao lalo ngayong holiday kung kailan may travel peak.


Maliban sa mga paliparan, pinababantayan din ng senadora ang maayos na operasyon sa mga pantalan at bus terminals dahil bukod sa nagdaang Pasko ay marami pang kababayan ang hahabol sa byahe sa mga lalawigan para magdiwang naman ng Bagong Taon.

Pinasisiguro ni Binay na ang mga barkong maglalayag ay ‘sea-worthy’ at walang ‘overbooking’ gayundin sa mga bus dagdag pa ang mahigpit na security screenings.

Giit pa ng mambabatas, ang ganitong mga panahon na dagsa ang mga pasahero ay hindi na bago sa bansa kaya dapat napaghandaan ang maayos at matiwasay na paglalakbay ng mga kababayan na hindi nakokompromiso ang kanilang kaligtasan at seguridad.

Facebook Comments