Manila, Philippines – Nagpaalala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa publiko na may karampatang parusa ang sadyang paninira sa mga salapi.
Ayon kay Maja Gratia Malic, deputy director ng BSP, maaaring pagmultahin ng hindi hihigit sa P20,000 o makulong ng hanggang limang taon ang sinumang mapatutunayang sadyang naninira ng salapi, alinsunod sa Presidential Decree no. 247.
Kabilang sa mga ipinagbabawal na gawin sa salapi ang mga sumusunod: • Pagsulat o paglalagay ng mga guhit sa banknotes • Sadyang pagpunit o pagsunog • Sadya at sobrang pagtupi o paglukot sa banknotes • Pagtupi para mag-iba ang hugis o hitsura • Pag-stapler o paglalagay ng ano mang pandikit • Pagbabad sa kemikal
Sabi pa ni Malic, may karapatan namang tumanggi ang isang taong nagtitinda kapag ibinayad sa kaniya ang sirang salapi.
Kung makakatanggap naman aniya ng sirang pera, maaari naman din aniya itong ipapalit sa BSP o humingi ng tulong sa mga bangko.
Pero kung magpapapalit ng salapi, dapat ay 60 porsiyento ng papel ang buo pa, hindi nasira ang security thread at may pirma pa ng Pangulo ng bansa at ng BSP governor.
Dagdag ni Malic, may mga pagkakataon naman na nabibigyan ng konsiderasyon ang nasirang salapi lalo kung hindi sinadya ang pagkakasira.