Hindi pa maituturing na pugante ang humigit kumulang 2,000 na napalaya sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance.
Sa budget hearing ng Department of Justice ngayong araw, sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na binibigyan naman ng 15 araw ang mga napalaya sa kaso ng heinous crimes na kusang sumuko.
Pero kapag lumagpas aniya ng 15 araw at hindi pa sumusuko ang mga napalayang convicts ay saka sila ituturing na fugitive from justice.
Hindi na rin naman na kailangang tukuyin kung sino ang mga napalaya dahil identified naman na ang mga na-release na mga convicted sa heinous crimes.
Ang mga napalaya sa ilalim ng GCTA na hindi susuko ay idedeklara sa krimen ng ‘evading sentence’ at maituturing itong ‘continuing crime’.
Maaari ring arestuhin ang mga ito na walang kinakailangang warrant of arrest dahil sa pagiging pugante.
Ngayong hapon ay sumalang na sa pagdinig ng kanilang pondo ang DOJ at nabubusisi pa rin ngayon ang kontrobersyal na GCTA.