
Posibleng bumuo ng independent bloc sa Kamara ngayong 20th Congress ang tatlong kongresista na napaulat noon na lalaban sa House speakership race na sina Representatives Toby Tiangco ng Navotas, Albee Benitez ng Bacolod at Duke Frasco ng Cebu.
Ang tatlong mambabatas ay nag-abstain sa pagboto para sa pagiging House speaker ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez at kanilang inihayag na magiging independent sila at hindi sasapi sa Minorya o Mayorya.
Ayon kay Tiangco, puno ng kontrobersyal ang pambansang budget na ipinasa ng Kamara para sa kasalukuyang taon.
Diin naman ni Benitez, ang karapat-dapat mamuno sa Kamara ay susuporta ng lubos kay President Ferdinand Bongbong Marcos Jr., at hindi hihila rito pababa.
Para naman kay Frasco, nangangailangan ang Kamara ng isang lider na magpapablik sa tiwala ng taumbayan, magtataguyod sa integridad ng Kongreso, at magsusulong sa mga prayoridad ng pangulo para sa tunay nitong layunin.
Nilinaw naman nina Tiangco, Benitez at Frasco na kahit independent sila ay buo ang suporta nila kay PBBM at sa administrasyon nito.









