Hindi palalagpasin ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang may pasimuno ng Coronavirus Disease (COVID-19) rapid testing sa aabot sa 300 workers ng Philippine Offshore and Gaming Operators (POGO) na karamihan ay Chinese nationals.
Nabatid na isinagawa ang testing sa Club House ng BF Homes Federation of Homeowners Association sa Barangay BF Homes.
Ayon kay Olivarez, pananagutin niya sa batas ang sinumang matutukoy na pribadong may-ari ng clinic o laboratory na nagsagawa ng pagsusuri.
Dagdag pa ng Alkalde na dapat sinala ng kanilang employers ang POGO employees sa mga pribadong laboratoryo o hospital.
Napag-alaman pa na walang request o permit mula sa City Government ang isinagawang rapid test kung saan nalabag din ang quarantine protocol na umiiral dahil sa pagdagsa ng POGO employees na nakapila sa nasabing testing center.
Ipinag-utos na rin ni Olivarez sa City Legal Office ang pag-iimbestiga para sa isasampang reklamo laban sa nag-operate ng nasabing testing center.
Inatasan pa ng Alkalde ang POGO operators na magsumite ang kanilang mga empleyado ng COVID-19 test results bago magsipag-balikan sa trabaho.