Mga nasa likod ng korapsyon sa flood control projects, tinawag na balasubas ni PBBM

Tinawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na mga “balasubas” ang mga nasa likod ng maanomalyang flood control projects na naglulustay ng pera ng bayan.

Ayon kay Pangulong Marcos, ito aniya ang dahilan kung bakit nais niyang maisawalat sa pamamagitan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kung sino ang mga sangkot, magkano ang kinulimbat at tiyaking mapapanagot at makukulong ang mga ito.

Dagdag pa ng pangulo, obligadong ayusin ng mga may sala ang kanilang mga “walang kwentang” proyekto gamit ang sarili nilang pera, hindi na mula sa kaban ng bayan.

Kaugnay naman sa ulat ng IBON Foundation na bilyon-bilyong pondo ang napunta sa mga distrito ng majority party na Lakas-CMD at mga kaalyado nito, sinabi ng pangulo na natural lamang na mas malaking bahagi ang matanggap ng Lakas dahil ito ang pinakamalaking partido sa Kamara.

Pero giit ng pangulo, huwag tutukan ang isyu ng pulitika dahil hindi raw mahalaga kung kaninong distrito napunta ang pera, kundi kung paano ito ginastos.

Kung maayos aniya ang proyekto, wala itong magiging problem, pero kung ito’y ninakaw, malinaw lamang na may dapat managot.

Facebook Comments