Nanawagan si Vice President Leni Robredo sa mga awtoridad na parusahan ang mga nasa likod ng madugong engkwentro sa CALABARZON at Calbayog City.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, iginiit ni Robredo na hindi dapat pinapalampas ang mga maling aksyon ng security forces na makakaapekto sa tiwala ng publiko sa law enforcement agencies.
Umaasa rin si Robredo na ang mga imbestigasyon sa dalawang insidente ay maging patas dahil nakasalalay dito ang integridad ng law-enforcement institutions.
Noong March 7, nasa siyam na aktibista ang napatay habang anim ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng pulis at sundalo sa CALABARZON.
March 8, lima ang patay kabilang si Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino.
Samantala, inanunsyo ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairperson Ronald “Bato” Dela Rosa na ipinagpaliban ngayong araw ang nakatakdang pagdinig sa nangyaring misencounter sa mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos magpositibo sa COVID-19 ang kanilang mga hepe.