Sang-ayon si Pangulong Rodrigo Duterte na dapat makasuhan ang mga taong nasa likod ng pagbuo ng learning module na nag-viral dahil sa mga malalaswang pangalan.
Sa kaniyang public address, pangamba ng Pangulo na maaaring maraming bata na ang nakabasa sa mga nasabing learning materials lalo na at kumalat ito sa social media.
“About a good percentage of our studentry is really dependent already [on] Facebook and whatever learning that they could get from there,” sabi ng Pangulo.
Dagdag pa ni Pangulong Duterte, pinag-uusapan na kung ano ang magiging parusa laban sa mga nasa likod ng kontrobersyal na learning modules.
Sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año, iniimbestigahan na ng Department of Education (DepEd) at Philippine National Police (PNP) ito.
Una nang nilinaw ni Education Secretary Leonor Briones na ang mga nasabing learning materials ay hindi gawa ng kagawaran pero galing ito sa isang review center.