
Mariing kinondena ng Malacañang ang pinakahuling alegasyon laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos, na tinawag nitong walang ebidensya at malinaw na paninira.
Pahayag ito ng Palasyo sa akusasyon ng vlogger na si Deen Chase na ang first couple ay gumagamit umano ng iligal na droga at naglabas pa ng isang malisyosong larawan ng unang ginang.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, sinasadyang ikalat ang mga tsismis at kasinungalingan upang dungisan ang dangal at kredibilidad ng pangulo at ng first lady.
Kung walang ebidensya, kahit sino ay puwede aniyang mag-imbento ng kasinungalingan, alinman para isulong ang interes ng isang politiko o kumita bilang bayarang troll.
Babala ng Malacañang, hindi simpleng tsismis ang fake news dahil may malubhang epekto ito hindi lang sa mga pinaparatangan, kundi pati sa imahe ng bansa.
Naaapektuhan nito ang turismo at ekonomiya ng Pilipinas kapag pinapabayaan ang pagkalat ng maling impormasyon, kaya kailangan ang agarang aksyon laban sa mga nagpapakalat ng kasinungalingan.
Giit ng Palasyo, mananagot ang sinumang patuloy na magpapakalat ng fake news at paninira laban sa pangulo at sa unang ginang.










