Sinimulan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon nito hinggil sa alegasyon ng overpricing sa biniling medical equipment ng pamahalaan para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Sa report ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso, sinabi niya na ang mga indibidwal na nasa likod ng sinasabing overpricing ng automated extraction machines ay ipinatawag na ng NBI para malaman kung nalabag nila ang Price Act at Bayanihan to Heal as One Act.
Nitong nakaraang linggo, inatasan ni Pangulong Duterte ang NBI na siyasatin ang alegasyon na ang Omnibus Bio-Medical Systems Inc. ay nagtangkang alukin ang pamahalaan na bumili ng automated extraction machines sa mahal na halaga.
Kinumpirma naman ng Omnibus na nag-alok sila ng automated extraction machines na nagkakahalaga ng ₱4.3 million sa Department of Budget and Management (DBM) noong April 23, pero iginiit ng kumpanya na nakapaloob sa package ang 25,000 NATCH consumables na ginagamit sa pagsasagawa ng RNA extraction.
Bukod dito, nag-alok muli ang Omnibus sa DBM ng isa pang package na nagkakahalaga ng ₱4 million noong May 6.
Una nang sinabi ng DBM na ang Omnibus ay hindi napanalunan ang kontrata.