Mga nasa likod ng pag-aresto at pagpapakulong sa isang 81-anyos na lolo na napagkamalang leader ng NPA, dapat managot

Hindi palalampasin ng Senior Citizen Party-list ang pag-aresto at pagpapakulong sa 81-anyos na si Prudencio Calubid Jr. na napagkamalang leader ng New Peoples Army (NPA) at consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Ayon kay Senior Citizen Party-list Rep. Rodolfo Ompong Ordanes, pag-aaralan ng kanilang mga abogado kung ano ang legal na paraan para mapanagot ang mga umaresto at nagpakulong kay lolo Prudencio, kabilang ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), mga prosecutors at pati ang judge ng regional trial court.

Binanggit ni Ordanes na ang kanilang magiging findings ay ipipresenta nila sa House Committee on Justice at Committee on Public Order and Safety, gayundin sa Supreme Court.

Ang hakbang ng Senior Citizen Party-list ay kasunod ng pagpapawalang-sala ng Court of Appeals kay Lolo Prudencio makaraang mapatunayan na ito ay napagkamalan lang dahil kapangalan nya ang totoong target ng mga awtoridad.

Giit ni Ordanes, magsitigil ang mga nababalak umapela sa desisyon ng Court of Appeals dahil matindi na ang naging pagdurusa ni Calubid na malinaw na biktima lamang ng mistaken identity.

Bukod dito ay makikipag-ugnayan din ang Senior Citizen Party-list sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa Office of Senior Citizens Affairs para mabigyan ng nararapat na tulong pinansyal at pangkabuhayan si Lolo Prudencio.

Facebook Comments