Mga nasa likod ng pagpapalaya sa mga heinous crime convicts, dapat parusahan

Manila, Philippines – Iginiit ng isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na kinailangan matukoy at mapanagot ang mga nasa likod ng pagpapalaya sa mga bilanggo na sentensiyado sa mga karumal-dumal na krimen.

Ayon kay Rev. Father Jerome Secillano – Executive Secretary ng CBCP – Permanent Committee on Public Affairs (PCPA), hindi ang batas na Republic Act 10592 o ang conditional expanded Good Conduct Time Allowance (GCTA) ang problema sa kontrobersyal na pagpapalaya sa mga bilanggo at sa halip ay ang mga opisyal na naatasang ipatupad ito.

Sinabi pa ni Fr. Secillano na isang uri ng katiwalian na palayain ang isang bilanggo na hindi ayon sa batas at kailangang papanagutin kung sino man ang may gawa nito.


Dapat din aniyang patunayan ng gobyerno ang pagpanig sa tama at pagiging makatuwiran.

Ang Republic Act (RA) 10592 o ang conditional expanded Good Conduct Time Allowance (GCTA) ay naglalayong mapalaya ang mga bilanggo na nakapagpakita ng good behavior sa loob ng bilangguan.

Sa tala naman ng Bureau of Corrections (BuCor) mula nang maisabatas ang GCTA noong 2013 ay umabot na sa 22,049 ang mga bilanggong napalaya at 1,914 sa mga ito ay nakagawa ng heinous crimes na hindi saklaw ng batas.

Facebook Comments