Mga nasa likod ng pekeng FB accounts at nagkakalat ng pekeng impormasyon sa social media, tiyak na mapaparusahan

Nagbabala ng tiyak na kaparusahan si Senator Christopher Bong Go sa mga nasa likod ng pekeng Facebook accounts at nagpapakalat ng mga maling impormasyon sa social media.

Mensahe ito ni Go, makaraang ihayag ng Facebook na iniimbestigahan na nito ang mga report ng mga kahina-hinalang aktibidad tulad ng pagsulpot ng napakaraming dummy accounts.

Binigyang diin ni Go, na mananagot sa batas ang mga gumagamit sa social media para ilihis ang mamamayan, magpakalat ng fake news, at samantalahin ang kahinaan ng mga kapwa Pilipino ngayong nahaharap sa krisis na dulot ng COVID-19 ang Pilipinas.


Kaugnay nito, siniguro ni Go na suportado niya ang isinasagawng imbestigasyon ng Department of Justice sa tulong ng National Bureau of Investigation at Philippine National Police laban sa mga nasa likod ng mga kalokohan gamit ang social media.

Una nang kinumpirma ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na kumikilos na ang NBI at PNP Anti-Cybercrime Group para siyasatin ang isyu.

Nanawagan din si Andanar sa publiko na manatiling responsable sa paggamit ng social media at maging alerto para agad mai-report ang mga fake accounts at hindi mabiktima ng mga nananamantala sa kasalukuyang sitwasyon.

Facebook Comments