Nanawagan si Senadora Imee Marcos sa gobyerno na baligtarin ang sumpa ng smuggling bilang grasya sa mga mahihirap na mga estudyante sa pamamagitan ng pagdo-donate ng mga cellphone, tablet at laptop na nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC).
Ipinunto ni Marcos na kung nagawang i-donate ng BOC ang halos 800 puslit na behikulo sa mga pulis, militar at iba pang ahensya ng gobyerno noong Hulyo, ay siguradong kaya rin nitong lutasin ang pag-aalala ng libu-libong mga estudyante sa pamamagitan ng pagdo-donate sa kanila ng mga kumpiskadong electronic gadgets.
Dagdag ni Marcos, sa halip na sirain o i-subasta, maaaring i-donate ng gobyerno ang mga smuggled electronic devices na hindi pa rin kinukuha ng mga importer matapos ang 15 araw na sila’y maabisuhan.
Tinukoy ni Marcos na nitong Agosto, iniulat ng BOC na nakasamsam sila ng halos 29.5 tonelada ng mga cellphone, storage devices at electrical items na walang mga clearance mula sa Bureau of Product Standards, National Telecommunications Commission at Optical Media Board.
Habang noong nakaraang taon, ay kabuuang P100 million na mga cellphone, baterya ng cellphone at tablets na mula Hong Kong ang nasabat sa Clark Freeport Zone sa Pampanga.
Bukod pa rito, ang P15 million na mga second-hand na cellphone, lithium batteries at phone accessories na mula South Korea na nakumpiska sa paliparan ng Maynila.