Iginiit ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa Department of Health (DOH) na bawasan ang napakahabang listahan ng requirements o mga dokumentong hinihingi sa mga nagkasakit at pamilya ng mga nasawing health workers dahil sa COVID-19.
Sa harap pa rin ito ng kabiguan ng DOH na maibigay ang isang milyong pisong kompensasyon para sa health workers na nasawi at P100,000 na tulong para sa mga health workers na naging malubha ang kondisyon dahil sa COVID-19.
Ayon kay Recto, ang sangkaterbang dokumentong hinihingi ng DOH sa mga pamilya ng nasawi at nagkasakit na health workers ay napakalaking pahirap lalo’t karamihan sa mga tanggapan na pagkukunan nito ay sarado pa rin o limitado ang operasyon.
Mungkahi ni Recto sa DOH, ibigay na agad ang 70 percent ng tulong pinansyal na dapat matanggap ng health workers na nagsakripisyo para labanan ang COVID-19.
Ayon kay Recto, ang balanseng 30 percent sa halaga ng kompensasyon ay maaaring ibigay sa pamilya ng health workers kapag nakumpleto na ang mga dokumento.
Nauunawaan ni Recto ang pagsunod ng DOH sa accounting at audit rules pero maaari naman aniya itong bawasan at malaking bagay din kung maaalalayan ang mga health workers at kanilang pamilya sa pagkuha ng mga kinakailangang dokumento mula sa mga kinauukulang ahensya.