Mga nasawi sa aksidente sa SCTEX kahapon, bibigyan ng financial assistance — LTFRB

Ipinag-utos ng Land Transportation Franchising And Regulatory Board (LTFRB) ang pagbibigay ng financial assistance sa mga nasawing pasahero sa malagim na aksidente sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) kahapon.

Ito ay matapos na salpukin ng isang provincial bus ang hilera ng mga sasakyan sa SCTEX na ikinasawi ng 10 indibidwal at ikinasugat ng mahigit 30 iba pa.

Ayon kay LTFRB spokesman Atty. Ariel Inton, inatasan na ni LTFRB chairman Atty. Teofilo Guadiz III ang Passenger Accident Management And Isurance Agency (PAMI) na kaagad tulungan ang mga nasawi at nasaktan sa aksidente.

Paliwanag ni Guadiz na aabot sa 400,000 pesos ang makukuhang insurance benefits ng pamilya ng mga nasawi sa aksidente.

Dagdag pa ng opisyal na kailangang mabilis na maisagawa anila ang pagbibigay ng tulong pinansyal lalo pa’t nasa panahon ng pagdadalamhati ang mga kaanak ng mga biktima.

Sa impormasyon na inilabas naman ng LTFRB, ang operator at rehistradong may-ari ng naaksidenteng Pangasinan Solid North Transit bus ay ang Dagupan Bus Company Incorporated.

May ruta ang naaksidenteng bus na Lingayen Pangasinan-Cubao Quezon City.

Sinabi naman ni Atty. Ariel Inton, maliban sa aksidente kahapon, nauna nang sinilbihan ng show cause order ng LTFRB ang Solid North Transit dahil sa pagtanggi na magsakay ng alagang hayop at diskrimasyon sa isang Person with Disability.

Ayon pa kay Atty. Inton, ngayong umaga posibleng mailabas na umano ang preventive suspension sa fleet ng Solid North Transit matapos ang malagim na aksidente.

Facebook Comments