Hindi pa masabi ngayon ng Department of Health (DOH) kung ang karamihan sa mga nasasawi dahil sa COVID-19 ay pawang mga hindi pa bakunado.
Sa online briefing, inihayag ni Dra. Alethea de Guzman, director ng DOH Epidemiology Bureau, may isinasagawa na silang pagsusuri hinggil sa mga nasasawing indibidwal dahil sa COVID-19 pero kinakailangan pa rin nilang maberipika kung ito ba ay nabakunahan o hindi.
Ayon pay kay Dra. De Guzman, nasa 1.73% ang cumulative case ng fatality rate sa buong bansa kung saan wala rin daw silang sapat na ebidensiya kung ang karamihan rin sa mga nasawi ay dulot ng Delta variant.
Aniya, tumaas ang kaso ng mga nasasawi sa buong bansa nitong huling linggo ng July habang naobserbahan rin nila na nagkaroon rin ng pagtaas ng kaso sa National Capital Region (NCR) sa unang linggo naman ng August.
Nasa 17 rehiyon na rin ang isinailalim ng DOH sa Alert Level 4 dahil sa tumaas na kaso ng COVID-19 at kabilang dito ang NCR.
Dagdag pa ni Dra. De Guzman na bagama’t nagkakaroon ng pagbaba ng naitatalang kaso, posible naman daw itong pumalo muli pataas habang isinasagawa sa ngayon ang case finding at contact tracing.
Kaugnay nito, naghahanda naman ang DOH sa nasabing posibilidad na pagtaad ng kaso habang hinihimok nila ang mga Local Government Unit (LGU) na mahigpit na ipatupad ang mga quarantine protocols.