Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na umakyat na 26 ang bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Batay sa consolidated partial report ng PNP Public Information Office, alas-6:00 ng umaga ngayong araw, 2 nai-ulat na namatay sa National Capital Region, 7 sa Region 2, 3 sa Region 3, 9 sa Region 4A, 3 sa Region 5 at 2 sa Cordillera Region.
Samantala, 25 naman ang iniulat na sugatan, kung saan 8 ay sa Region 3, 9 sa Region 4A at 8 sa Region 5.
Sa ulat pa ng PNP, 14 ang nawawala, 1 sa NCR, 7 sa Region 2, 2 sa Region 4A at 4 sa Region 5.
Sa ngayon ay 7,082 PNP personnel ang aktibo pa ring nagsasagawa ng search and rescue operations habang 1,038 ang naka-deploy sa iba’t ibang evacuation centers para maghatid ng tulong at magbigay ng seguridad sa mga biktima ng kalamidad.