Manila, Philippines – Maililigtas sana ang 37 biktima ng Resorts World Manila kung namonitor lang sana ng mga otoridad ang Facebook live video na inupload ng isa sa mga nasa loob ng casino.
Ayon kay House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas, buhay pa sana ang mga biktima kung naagapan lamang ng mga otoridad.
Marami aniyang nakapanood ng facebook live ng mga oras na iyon kung saan pinapakita dito ang mga taong nagtatakbuhan palabas ng RWM at ang pagpasok ng lone gunman na si Jessie Carlos kaya dapat ay nalaman na rin ito ng PNP.
Sinabi ni Fariñas na siya mismo ay may kopya ng nasabing fb live video.
Kung nagawa aniya ng PNP na i-monitor ang nasabing live video ay natunugan sana na iisa lang talaga ang umatake sa establisyimento at nakagawa sana ng paraan para mailigtas ang mga nasawing biktima.
Hindi kasi nagamit ang CCTV ng casino bilang pagmonitor sa galaw ng assailant.
Batay naman kay Bureau of Fire Protection (BFP) Chief Bobby Baruelo, namatay na ang mga biktima wala pang limang minuto.
Paliwanag nito, 2 hanggang 3 minuto ay nagiging unconscious na ang isang tao kapag nakalanghap ito ng nakakalasong usok dahil sa kawalan ng oxygen sa utak na nauuwi kalaunan sa pagkamatay.
Samantala, humarap din ang taxi driver na si Joselito Lucena kung saan ang taxi nito ang sinakyan ni Carlos papuntang RWM.
Sa salaysay nito, wala siyang napansing kakaiba kay Carlos at wala din itong bitbit na baril.
Aniya, nagawa pa nitong paghanapin siya ng balita sa radyo at bumaba naman ito ng maayos sa kanyang taxi.
DZXL558