Mga nasirang silid-aralan sa Davao Region dahil sa lindol, umabot na sa higit 900

Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) – Region XI na 918 silid-aralan na sa Davao Region ang napinsala matapos ang malakas na lindol na yumanig sa Manay, Davao Oriental noong nakaraang linggo.

Sa panayam ng DXDC RMN Davao kay DepEd-XI Spokesperson Jenielito Atillo, sinabi niyang Davao Oriental ang may pinakamataas na bilang ng pinsala na umabot sa 316 silid-aralan.

Tiniyak ng DepEd na magpapatuloy ang mga klase sa kabila ng pinsala habang patuloy na isinasagawa ang assessment at pagpapatayo ng mga bagong silid-aralan sa mga apektadong lugar.

Samantala, iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na suriin ang mga silid-aralang maaari pang magamit at palitan ang mga hindi na ligtas para sa mga mag-aaral.

Dagdag ni Atillo, magsasagawa ang naturang ahensiya ng psychological intervention para sa mga apektadong estudyante bago sila tuluyang makabalik sa regular na klase.

Facebook Comments