Mga nasugatang pulis sa rally kahapon, dinalaw ni acting PNP Chief Nartatez

Personal na binisita ni acting Chief Philippine National Police (PNP), Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang mga pulis na nasugatan sa naganap na kilos-protesta kontra korapsyon kahapon.

Kanina, pinuntahan ni Nartatez ang siyam na mga pulis na naka-confine sa PNP General Hospital na bahagi lamang ng kabuuang 129 na pulis na nasaktan sa insidente.

Tiniyak naman ng PNP Health Service na makatatanggap ng tulong pinansyal ang mga pulis na nasugatan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.

Samantala, umabot sa mahigit 84,000 ang opisyal na tala ng PNP sa bilang ng mga indibidwal na lumahok sa kaliwa’t kanang kilos protesta kahapon.

Sa datos ng PNP pinakamarami sa mga lumahok ay sa Metro Manila na halos 34,000, pangalawa naman sa may pinakaraming lumahok ang Region 11 na may mahigit 10,000 at pangatlo ang Region 2 na may mahigit 5,000.

Samantala, iginiit ng Pambansang Pulisya na “isolated case” lang ang gulo na nangyari sa rally sa Maynila kaya’t maituturing pa rin na “generally peaceful” ang mga pagkilos kahapon.

Facebook Comments