Nadagdagan pa ang mga nasungkit na mga medalya ng Pilipinas sa nagpapatuloy na ASEAN Para Games 2022 sa Indonesia.
Wagi ng gintong medalya si King James Reyes sa Para Athletics Men’s 5000m T46 event, habang nabulsa ni Rodrigo Podiotan Jr., ang silver medal sa Para Athletics – Men’s 100-meter T52 race.
Samantala, nasungkit ng isang pulis na mula sa Bohol na si Police Staff Sgt. Maria Caress Arnejo ang tatlong medalya sa katatapos lamang na World Police and Fire Games (WPFG) sa The Netherlands.
Wagi si Arnejo ng gintong medalya sa 60 kilogram 30 plus category sa karate.
Nabulsa naman ni Arnejo ang silver medal sa 10,000-meter run Women’s Master 30 plus category at bronze medal naman sa Karate kata kyu bet 18 plus category.
Bukod kay Arnejo, nakasungkit din si Staff Sgt. Rodel Bustamante na isang pulis din na mula sa Davao del Sur ng gold medal matapos talunin ang katunggali mula sa Malaysia sa Men’s Masters 40 plus 5,000-meter walk, na isang track and field event.
Mahigit 10,000 na atleta ang lumahok sa isang linggong World Police and Fire Games, kung saan nilahukan ng mga pulis, bumbero at corrections officer mula sa 70 bansa.