Mga natagpuang patay na baboy sa karagatan ng Naujan, Oriental Mindoro, pinaiimbestigahan

Photo Courtesy: Mayor Mark Marcos Facebook Page

Pinaiimbestigahan na ni Agriculture Secretary William Dar ang pagtatapon ng mga patay na baboy sa baybaying dagat ng bayan ng Naujan sa Oriental Mindoro.

Sa virtual presser ng Department of Agriculture (DA), sinabi ni Secretary Dar na batay sa report ng Bureau of Animal Industry (BAI), galing sa Iloilo ang bangkang nagtapon ng mga patay na baboy.

Ani Dar, mananagot ang nasa likod ng pagtatapon dahil maraming protocol ang nilabag lalo na sa panahong mahigpit na binabantayan ang banta ng African Swine Fever (ASF).


Pinapakuha na ng kalihim ang incident report sa mga pantalan upang matukoy ang bangkang nagbiyahe ng mga baboy.

Layon nito na maikumpara ang bilang ng baboy na ibiniyahe mula Iloilo hanggang sa hinintuang pantalan.

Iniulat naman ni Naujan Mayor Mark Marcos kay Sec. Dar na kinuhanan na ng blood at meat sample ang mga natagpuang patay na swine carcasses bago sinunog at inilibing.

Facebook Comments