
Tuloy-tuloy na nagkakasa ng declogging operation ang mga tauhan ng Department of Public Works and Highways – National Capital Region (DPWH – NCR) sa ilang bahagi ng lungsod ng Maynila.
Partikular sa area ng Taft Avenue at Padre Faura Street kung saan nagkaroon ng pagbaha nitong nakalipas na araw bunsod ng pag-ulan dulot ng bagyo at habagat.
Nabatid na nagiging pahirapan ang pagtukoy sa mga manhole at takip ng drainage dahil natabunan na ito ng aspalto matapos isailalim sa rehabilitasyon.
Mano-manong tinutukoy ang mga natabunan takip ng drainage saka gagamitan ng mga heavy equipment ng DPWH tulad ng jack hammer at backhoe upang mabuksan.
Matatandaan na unang nagkasa ng declogging operation ang DPWH at Manila Department of Engineering at Public Works sa kahabaan ng Taft Avenue sa kasagsagan ng pagbaha kung saan pawang mga burak ang kanilang nahakot.









