
Nagbigay ng kanyang “unsolicited advice” si Senator-elect Ping Lacson kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. na aksyunan na agad ang mga natitirang courtesy resignations mula sa kanyang mga cabinet members.
Para sa senador, maiiwasan ang intrigahan at pagkakawatak-watak sa administrasyon kung tatapusin na ng Pangulo ang isyung ito.
Sa social media post ni Lacson, sinabi niyang mula nang hilingin ni PBBM ang pagbibitiw ng kanyang gabinete ay mas lalong tumindi ang labanan sa mga posisyon kung saan may mga umiikot na ngayong white paper at nagpapalutang ng mga pangalan na posibleng italaga sa mga nabakanteng pwesto.
Babala pa ng mambabatas, ang kawalang katiyakan ay madalas nauuwi sa kawalang kakayahan at pagkakahati-hati ng mga opisyal.
Hiniling din ni Lacson na bukod sa pag-recalibrate sa administrasyon ay himukin din ng Pangulo ang mga mambabatas na tigilan na ang walang batayang pagsingit ng pork barrel sa ilalim ng 2026 budget.









