Mga natitirang priority measures ng pamahalaan, target maaprubahan bago matapos ang 18th Congress

Sisikapin ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na mapagtibay ang iba pang prayoridad na panukala bago matapos ang 18th Congress sa susunod na taon.

Sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting kasama ang mga Ehekutibo, mga economic manager at mga Senate leader ay tiniyak ni Majority Leader Martin Romualdez na maaaprubahan nila ang iba pang isinusulong na panukala sa ilalim ng Duterte administration bago magtapos ang termino ng pangulo sa Hunyo 2022.

Kabilang sa ilan pang mga aaprubahan ng Kamara ang Budget Modernization Bill (BMB), Unified System of Separation Retirement and Pension of Military and Uniformed Personnel (MUP), amyenda sa Continuing Professional Development (CPD), Boracay Island Development Authority (BIDA) bill, National Housing Authority (NHA), National Land Use Act (NaLUA), Magna Carta of Barangay Health Workers at iba pa.


Ipinagmalaki pa ni Romualdez na sa gitna ng pandemya ay naging maagap at mabilis ang mga kongresista dahil sa katunayan 11 sa priority bills ng LEDAC ang naaprubahan na ng Kamara.

Facebook Comments