Mga nauusong fad diet, hindi pangmatagalan ang resulta ayon sa isang eksperto!

Tinalakay sa programang Nutrisyon Mo, Sagot Ko ng National Nutrition Council (NNC) ang mga nauuso ngayong fad diet at kung ligtas ito sa ating mga kababayan.

 

Sa pamamagitan ng guest expert na si Ms. Emelita Lavilla, Chief Dietitian ng University of the Philippines – Philippine General Hospital, ipinaliwanag nito sa kung ano ang fad diets, ligtas ba ito kasabay ng pagbibigay ng tips para sa epektibong pagbabawas ng timbang.

 

Ayon kay Ms. Lavilla, ang fad diets ay pag-promote ng mga iba’t ibang uri ng diet na nangangako ng mabilis na pagkawala ng sobra-sobrang timbang ngunit hindi makatotohanan.


 

Aniya, sa fad diets ay maraming pagkain na dapat mong iwasan kung saan sa ilan ay epektibo ang resulta pero hindi nito kayang gawin na pangmatagal kaya kalaunan ay mas bumibigat ang timbang ng isang taong nagpa-fad diet.

 

Bukod sa magastos ang fad diet, marami rin aniya itong negatibong epekto tulad ng pagkahilo, sobrang pagkagutom, dehydration at minsan ay pagkakaroon ng sakit tulad ng mataas na cholesterol.

 

Para sa Chief Dietitian na si Lavilla, mas maganda pa rin magbawas ng timbang sa tamang paraan tulad ng pagkonsulta sa isang health expert, mag-ehersisyo, at kumain ng tama, wasto at masusustansyang pagkain tulad ng pagkain ng mas maraming gulay at pag-iwas sa mga matatamis na inumin.

 

Maganda rin aniya ang suporta ng pamilya, mga kaibigan at katrabaho para mas determinado ang taong nagbabawas ng timbang.

Facebook Comments