Tiniyak ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na patuloy na makatatanggap ng ayuda sa ilalim ng 2021 national budget ang mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Ayon kay Angara, nang pagtibayin ang pambansang budget para sa susunod na taon ay nagkasundo ang mga mambabatas na dapat ituloy ang tulong sa mga manggagawang nawalan ng trabaho.
Binanggit ni Angara, dinagdagan ang pondo ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged or Displaced Workers (TUPAD) Program at sa Government Internship Program.
Sinabi ni Angara na ang dating 9.93-billion pesos na inilaang pondo para sa nabanggit na mga programa ay itinaas nila sa P19.036 billion.
Inihayag ni Angara na para naman matulungan ang Overseas Filipino Workers (OFWs) na gusto nang bumalik ng Pilipinas ay dinagdagan nila ng 200-million pesos ang emergency repatriation fund ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Positibo rin si Angara na makakabangon ang ekonomiya sa 2021 dahil sa inaasahang pagdating ng bakuna laban sa COVID-19 pero kailangan pa rin ang ayuda sa maraming displaced workers.