Mga nawasak na tahanan sa ilang rehiyon sa bansa dulot ng pananalasa ng Bagyong Odette, nasa higit kalahating milyon

Umaabot sa kabuuang 506, 404 ang mga nawasak na tahanan bunsod ng pananalasa ng Bagyong Odette.

 

Sa ulat ni Housing Secretary Eduardo del Rosario kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang Talk to the People, sinabi nitong 339, 327 ang partially damaged habang nasa 167,077 na mga kabahayan ang totally damaged.

 

Karamihan nito ay sa Region 6, Region 8, Region 4-B, Region 7 at Region 13.


 

Kasunod nito, namahagi na ang pamahalaan katuwang ang International Organization for Migration at USAID ng 5,598 shelter grade tarp sheets sa Cebu, Bohol, Southern Leyte at Region 13.

 

Namigay na rin sila ng shelter repair kits tulad ng CGI sheets, lumber, plywood, tarps at iba pang carpentry tools sa Region 13 at Southern Leyte.

 

Samantala, hanggang bukas ay inaasahang maipapamahagi ang P5-K cash assistance sa higit sa 97,000 pamilyang naapektuhan ng bagyo.

 

Sa Enero hanggang Marso ng 2022 naman ay target matapos ang pamamahagi ng P100-M kada probinsya na tulong sa mga matinding winasak na tahanan at ganundin ang procurement ng housing materials para sa ilang Local Government Unit.

Facebook Comments