Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr., ang lahat ng regional directors ng PNP na imbestigahan ang posibleng pagkawala ng mga case folder ng mga pulis na isinasailalaim sa imbestigasyon.
Ayon kay Acorda, naging karanasan niya noong siya ay Deputy Regional Director for Administration pa lamang at miyembro ng Regional Appellate Board na may mga pagkakataon na nawawala ang mga rekord ng kaso ng mga pulis.
Giit ng PNP chief, hindi pwedeng basta na lamang mawala ang mga dokumento at kailangang mapanagot ang sinumang may hawak ng mga records.
Bilin ni Acorda sa mga regional director na gumawa ng systema katulad ng ipinatupad ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Aniya, kung may kapabayaan sa panig ng mga nag-iingat ng dokumento ay may kaakibat itong kaparusahan.