Manila, Philippines – Hahabulin ng Pasig River Rehabilitation Commission o PRRC ang mga estero na pinagtayuan ng mga nagtatayugang gusali sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay Jose Antonio E. Goitia, Executive Director ng PRRC, na hinahanap na nila ang orihinal na mapa ng Maynila upang matukoy ang mga lugar ng mga nawalang estero dahil sa mga konstruksiyon ng mga naglalakihang gusali.
Paliwanag ni Goitia ibabalik nila ang orihinal na estero na nagsisilbing daluyan ng tubig palabas sa Pasig River.
Layunin ng PRRC na buhayin ang Pasig River makaraang ideklara ng isang international institution na ang Pasig River ay dead river na noong 1990.
Kasunod nito ay humingi ng suporta ang PRRC sa DILG upang panagutin ang mga opisyal ng barangay at mga alkalde na nagpabaya sa kanilang tungkulin kaya natayuan ng mga gusali ang mga estero.
Hiniling din ng PRRC na isakatuparan ang nakabimbing panukala sa Kongreso na Pasig River Development Authority, isang tanggapan na magpapatupad ng mga batas patungkol sa easement, discharge of waste, illegal dumping of trust and garbage at anumang konstruksiyon na lalapastangan sa Ilog Pasig.