MGA NEGOSYANTE AT RESIDENTE SA PANGASINAN, PINAG-IINGAT BUNSOD NG MGA NAITATALANG NAKAWAN SA LALAWIGAN

Naglabas ng public advisory ang Pangasinan Police Provincial Office bilang paalala sa mga negosyante at residente na manatiling mapagmatyag kasunod ng mga naitalang insidente ng pagnanakaw na target ang ilang establisimyento ng negosyo sa lalawigan.

Hinikayat ang mga business owner at mamamayan na magsagawa ng mga kinakailangang hakbang sa seguridad, kabilang ang pagiging mapagmatyag laban sa mga grupong gumagamit ng distraction tactics, masusing pagbabantay sa pera at mahahalagang gamit, pati na ang pag-secure ng mga access point sa mga establisimyento.

Inirerekomenda rin ang pag-install at regular na pagmamantine ng CCTV at alarm systems.

Pinapayuhan ang publiko na agad i-report sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa emergency hotline ang anumang kahina-hinalang kilos na mapapansin sa kanilang paligid.

Binigyang-diin ng Pangasinan PPO na ang pag-iwas sa krimen ay isang sama-samang responsibilidad at sa pamamagitan ng alertong publiko at maagap na presensya ng pulisya, mapipigilan ang mga kriminal na magsagawa ng iligal na gawain.

Tiniyak naman ng tanggapan ang patuloy na pagtugon sa mga banta sa seguridad sa pamamagitan ng pinaigting na operasyon ng kapulisan at mas malapit na pakikipag-ugnayan sa mga komunidad upang maiwasan ang paglaganap ng kriminalidad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments