Dapat na hindi na higpitan ang mga patakaran o restrictions ngayong huling quarter ng taon, ito pahayag ng mga pribadong sektor at grupo ng mga negosyante.
Ito’y kahit pa may naitatalang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa ibang mga lugar sa bansa.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Joey Concepcion ng Go Negosyo na dapat gawing mas bukas ang mga industriya sa panahong ito dahil ngayon lamang nakababawi ang sektor ng negosyo, lalo na ang mga Small and Medium Enterprises o MSMEs.
Paliwanag ni Concepcion, ang huling quarter ng taon ang karaniwang panahon na mas maraming lakad ang mga tao o mataas ang antas ng mobility dahil sabay-sabay ang mga okasyon.
Kaya naman, malaking bagay aniya ito para kumita at makabawi ang mga negosyante maliit man o malaki bago muling tumamlay ang panahon.