Hinikayat ni House Speaker Martin Romualdez ang mga negosyante sa Estados Unidos na suportahan ang mga programa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pamamagitan ng pamumuhunan sa Pilipinas.
Pahayag ito ni Romualdez, makaraang humarap si Pangulong Marcos at magbigay ng talumpati sa New York Stock Exchange economic forum na dinaluhan ng Philippines and US-based business leaders.
Binanggit din ni Romualdez na nagkaroon ng mga serye ng pakikipagpulong ang pangulo sa mga malalaking business firms sa Amerika.
Nagpasalamat naman si Romualdez sa pagkakataon na ibinigay ng US businessmen sa Marcos administration at sa pagkonsidera nila sa agenda at vision ni PBBM.
Diin ni Romualdez, hinog na ang ating bansa para tumanggap ng mas maraming investments na magpapanumbalik sa sigla ng ekonomiya.
Tiniyak naman ni Romualdez sa mga mamumuhunan na ang House of Representatives ay patuloy na magsusumikap sa pagpasa ng mga panukalang batas na magpapalim ng ating kooperasyon sa Estados Unidos.
Lalo na sa larangan ng supply chain, health and security, environment and climate change, energy security at interconnectivity.
Sabi ni Romualdez, kikilos din ang Kamara para ang pagnenegosyo sa Pilipinas ay maging kaaya-aya para sa mga negosyante lalo na sa US business community.