Hindi nasisiyahan ang mga nagpapatakbo ng karinderya sa Barangay Pinagkaisahan sa Quezon City sa one-time waiver scheme ng Manila Water.
Ayon kay Arsenia Igtanloc, hindi sapat ang pagkansela sa minimum charge na 10 cubic meters sa kanilang April billing kung ikukumpara sa naranasan nilang perwisyo sa isang buwan na water shortage.
Aniya, hindi sapat ang ginawa ng Manila water sa idinulot na epekto ng water shortage sa kanilang kabuhayan .
Hindi aniya sila nakapagluto nang maaga dahil nauubos ang oras nila ang pag-iipon ng tubig.
Wala rin namang mabilhan ng tubig dahil maging mga water stations, ubos din ang kanilang suplay.
Ayon naman kay Rosalia Morales, napilitan silang gumamit ng paper plate imbis na plato at napilitan sila na bumili ng overpriced na water containers.
Itinuturing nila na pakunswelo lamang ito at mas makabubuti kung ibalik na lang ang normal na suplay ng tubig.
Nangangamba naman silang umigting ang sitwasyon dahil inaasahan pang magtatagal ang dry spell hanggang Hunyo.