Mga negosyanteng Filipino-Chinese sa bansa, hinamon ng Senado na kondenahin ang pangha-harass ng China sa PCG

Hinamon ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FCCCII) na kondenahin din ang pangha-harass ng China sa Philippine Coast Guard (PCG).

Kaugnay na rin ito sa pangamba ng Filipino-Chinese businessmen na magkaroon ng negatibong epekto sa ekonomiya ang panawagang i-blacklist o i-boycott ang Chinese companies o products sa bansa.

Hamon ni Zubiri na makarinig naman sa organisasyon ng pagkondena sa ginawang pambobomba ng tubig ng Chinese Coast Guard sa mga tauhan ng PCG habang nasa gitna ang mga ito ng resupply mission sa Ayungin Shoal.


Aniya pa, kung talagang nag-aalala ang FCCCII sa economic impact ng suhestyon na i-boycott sa bansa ang mga kompanya at produktong China, dapat ay tumulong sila na kumbinsihin ang kanilang benefactors at mga Chinese state-owned contacts na umalis na sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Matatandaang isa sa nakikita ni Zubiri para makabwelta ang bansa sa pambu-bully ng China ay kung ibo-boycott ng gobyerno ang mga produkto at kompanya ng China na nasa bansa at tularan ang ginawa ng Vietnam na nakahanap na ngayon ng mas malalakas na trading partners.

Facebook Comments