May kalalagyan ang mga negosyante na hindi susunod sa itinakdang price ceiling sa bigas.
Ito ang iginiit ng Department of Justice (DOJ) sa press briefing ngayong hapon.
Ayon kay Justice Sec. Jesus Crispin Remulla, marami silang isasampang kaso kung patuloy na mananamantala ang mga negosyante sa ganitong pagkakataon.
Alinsunod sa price ceiling, hindi dapat tumaas sa ₱41 ang regular milled rice, habang ₱45 naman sa well milled rice.
Posibleng maharap aniya sa kasong economic sabotage ang mga negosyante na mapapatunayang nagtatago ng suplay ng bigas na nagiging sanhi ng pagtaas nito.
Dagdag pa ni Remulla, iimbestigahan din ng DOJ kung bakit lomobo sa mataas na presyo ang bigas gayong nabili lamang ito sa mga magsasaka mula sa ₱15 hanggang ₱18.
Ngayong araw, sinimulan na ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na mag-monitor sa mga palengke para tiyakin na nasusunod ang itinakdang presyo sa bigas.