Mga negosyanteng lalabag sa ipinatutupad na price freeze sa 31 LGUs sa Western Visayas, muling binalaan na ng DTI

Nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga negosyante dahil sa magiging epekto ng paglabag sa price freeze order ng ahensya.

 

Ayon sa DTI, ang sinumang susuway dito ay maaaring pagmultahin at makulong ng hanggang sampung taon.

 

Una ng sinabi ni Trade Regional Director Officer in charge Rachel Nufable na ang mga tauhan ng ahensya ay nagsasagawa ng regular monitoring sa lahat ng mga retailer sa buong rehiyon upang makita kung sila ay sumusunod sa price freeze order.


 

Ang inisyatiba ng ahensya ay para matiyak ang proteksyon ng mga mamimili mula sa hindi nararapat na pagtaas ng presyo sa panahon ng kalamidad.

 

Sa ilalim ng Republic Act No. 7581 o Price Act, hindi pwedeng tumaas o bumaba ang presyo ng mga basic goods sa loob ng 60 na araw kapag ang isang lugar ay nasa ilalim ng state of calamity.

 

Kabilang dito ang processed milk, tinapay, asin, kape, bottled water, detergent, canned fish, laundry soap, instant noodles at processed food.

 

Ang kautusan ng DTI sa 31 Local Government Units (LGUs) sa Western Visayas ay kasunod ng deklarasyon ng state of calamity dahil sa epekto ng El Niño phenomenon at whooping cough outbreak.

Facebook Comments