Inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) na sampahan ng reklamo ang anim na indibidwal na sangkot sa hoarding at manipulasyon ng presyo ng sibuyas sa merkado.
Ngayong hapon, pormal nang itinurnover ng NBI ang mga reklamo laban sa mga ito sa Department of Justice (DOJ).
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, ito’y isa pa lang sa mga kasong isinisampa at binubuo ng DOJ dahil marami silang tinitignan na paglabag at economic crimes.
Dagdag pa ni Remulla, tinitignan din ng ahensya ang pagkakasangkot ng tatlong government officials sa onion smuggling, price manipulation, profiteering.
Inihayag din ni Justice Usec. Geronimo Sy na ang reklamo ay umikot sa isang transaksyon noong December 2022, kung saan umabot ang bentahan sa higit ₱500 ang kada kilo ng sibuyas.
Dito aniya natuklasan na sinabi ng mga trader na wala ng stock ng sibuyas, pero nang kontratahin ang mga ito sa halagang ₱500, ay biglang nagkaroon ng stock.
Pineke rin umano ng mga ito ang mga dokumento na nagsasabing tatlo ang naging bidders, pero ang dalawang bid ay gawa-gawa lamang para manalo ang nais nilang bid.