Mga negosyo, hayaan munang makabawi bago humirit ng dagdag-sweldo – Concepcion

Hindi pa napapanahon para pagbigyan ang hirit ng mga manggagawa na umento sa sahod sa harap ng nagtataasang presyo ng mga bilihin na resulta rin ng sunod-sunod na oil price hike.

Pakiusap ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, bigyan muna sana ng panahong makabawi ang mga negosyo mula sa epekto ng pandemya.

Mainam din na pabalikin muna ang mga manggawa sa kanilang mga trabaho at hintaying mag-stabilize ang presyo ng mga bilihin bago pag-usapan ang wage increase.


Naniniwala naman si Concepcion na posibleng suportahan ng gobyerno ang mga panawagang suspendihin muna ang fuel excise tax para matugunan ang epekto ng patuloy na pagsipa ng presyo ng langis.

Matatandaang sinabi ng economic think tank na Ibon Foundation na kailangan ng P1,072 na arawang sahod ng bawat pamilyang may limang miyembro sa National Capital Region para matustusan ang kanilang pangangailangan.

Bagama’t suportado ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang hirit na wage increase ay hindi pa aniya ito kakayanin lalo na ng maliliit na kompanya.

Facebook Comments