Sa pagding ng Senado, inihayag ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na puspusan ang paghikayat ngayon ng pamahalaan sa mga negosyo na umaalis sa China dahil sa COVID-19 pandemic.
Binanggit ni Lopez na hindi man natin makuha ang mayorya, mayroon ng 135 sa mga ito ang nagpapakita ng interes na lumipat sa Pilipinas kabilang ang labing-anim (16) na kompanya na nakabase sa Wuhan Province, at 64 na nasa iba’t ibang bahagi ng China.
Binanggit din ni Lopez ang 55 na nasa iba’t ibang industriya kasama ang mga manufacturer ng medical supplies, electrical equipment, appliances at metal products.
Sa hearing ay binanggit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang report na sa Vietnam, Indonesia at Thailand gustong lumipat ng mga negosyong umaalis ng China.
Aminado naman si Lopez na nakakalamang ang ibang bansa dahil sa kanilang supply chain at raw materials habang ang Vietnam naman ay kadikit at para ng extension ng China.
Pero diin ni Lopez, may mga reporma namang ginagawa sa Pilipinas para higit na maka-engganyo ng mamumuhunan tulad ng pagbubukas sa ating ekonomiya, liberalisasyon, foreign investment, tax reform at infrastructure build up.