Mga newly elected officials, mayroon na lamang hanggang bukas para magsumite ng kanilang SOCE sa COMELEC

Nagpaalala si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, na mayroon na lamang hanggang bukas, Hunyo 8 ang mga newly elected officials para isumite ang kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa Commission on Elections (COMELEC).

Hindi papayagan ng DILG na makapanumpa sa kanyang panunungkulan ang mga bagong halal na opisyal nang hindi naghain ng SOCE.

Kasama sa SOCE ang cash at in-kind contribution na natanggap ng kandidato mula sa isang political party at iba pang sources.


Kasama rin dito ang mga paggasta na binayaran mula sa mga personal na pondo, mula sa mga cash contribution at nakuha gamit ang mga in-kind contribution.

Sinabi ni Año, tungkulin ng mga bagong halal na opisyal na ideklara ang kanilang SOCE bago magsimula ang kanilang termino.

Nilinaw naman ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na hindi lang limitado sa mga nanalong kandidato ang pagsusumite ng SOCEs, kundi pati na rin sa mga natalo at sa mga political parties.

Facebook Comments